Zubiri, Cayetano muntik magsapakan sa plenaryo
MANILA, Philippines — Muntik na umanong magsapakan nang magkainitan sa plenary hall sina Sen. Alan Cayateno at dating Senate President Juan Miguel Zubiri, nitong Martes ng gabi.
Inabot ng alas-9:30 kagabi ang sesyon sa Senado matapos bahagyang nagkasagutan at nagkainitan sina Zubiri at Cayetano na may kaugnay sa concurrent resolution sa Embo barangays ng Taguig City na sinasabi ng Comelec na hindi makakaboto ng kanilang House Representative sa darating na midterm elections.
Sinabi ni Zubiri na nabigla lang siya sa bilis ng planned approval pero matapos ang diskusyon at paliwanag ni Sen. Alan, naayos din ang hindi pagkakaunawaan.
Ayon naman kay Cayetano, kailangan itong maipasa noong Martes ng gabi dahil baka magkaproblema sa lagay ng panahon ngayong araw at mag-adjourn ang sesyon lalo pa’t huling session day na nila at sa Nobyembre 3 na babalik ang regular session.
Bago matapos ang sesyon, inihayag ng dalawa ang kani-kanilang panig. Kinuwestiyon ni Zubiri kung bakit tatalakayin ang panukala, gayong hindi ito kasama sa daily agenda.
Ang Embo barangays ay dating sa Makati City pero dahil sa Supreme Court ruling, nasa ilalim na ngayon ng Taguig City.
Kalaunan ay humingi ng paumanhin si Zubiri, at inaming mali na nagtaas siya ng boses sa kasagsagan ng argumento.
Gayundin, humingi ng paumanhin si Cayetano kay Zubiri sa pagtataas din niya ng boses.
Nilinaw kahapon ni Zubiri na miscommunication lamang ang naging mainitang sagutan nila ni Cayetano sa plenary session.
- Latest