Utol ni ex-presidential adviser Michael Yang, inaresto sa NAIA

MANILA, Philippines — Inaresto sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang kapatid ng dating presidential economic adviser na si Michael Yang ng mga tauhan ng Presidential Anti-Orga­nized Crime Commission (PAOCC).

Sa report ng PAOCC, nadakip nila si Yang Jian Xin, kilala rin bilang Tony Yang sa tulong ng Bureau of Immigration (BI) at Intelligence Service ng Armed Forces of the Philip­pines (ISAFP) dahil sa pagiging undesirable alien. Naharang si Jian Xin sa isang Cebu Pacific flight mula Cagayan de Oro.

Nahaharap sa deportation case si Jian Xin dahil sa umano’y ‘misrepresentation’ ng kanyang sarili bilang isang Pilipino at ‘falsification of information’ tungkol sa Securities and Exchange Commission (SEC) certificate ng kanyang kumpanya na Phil Sanjia Corporation.

Nagsampa rin ng rek­lamo ang mga empleyado ng nasabing kumpanya dahil sa hindi paghuhulog ng kanilang Social Security System (SSS), PAG-IBIG, at PhilHealth contributions.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng PAOCC si Jian Xin habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kanyang mga kinakaharap na kaso.

Matatandaang inuugnay din ang natu­rang indibidwal sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Show comments