MANILA, Philippines — Inihayag ni Defense Spokesman Director Arsenio Andolong na fake news ang kumakalat sa social media na nagbitiw na sa puwesto si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
“There is no truth to the rumor perpetrated by certain sectors online about the supposed resignation of Secretary of National Defense Gilberto C. Teodoro, Jr.”, saad ni Andolong.
Dahil dito, nanawagan naman si Andolong sa mga nagpapakalat ng kasinungalingan na maghinay-hinay at iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa publiko.
Binigyang diin ni Andolong na hindi makakabuti sa bansa ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon na naglalayong lituhin at linlangin lamang ang mamamayang Pilipino.
Inihayag nito na nanatili ang commitment ng Defense department sa mandato nito sa peace and order at pagdedepensa sa teritoryo.
Nanawagan rin si Andolong sa publiko na manatiling vigilante laban sa mga maling impormasyon na ipinakakalat ng mga dismayadong grupo na naglalayong linlangin ang mamamayang Pilipino.