Obrero dedo sa saksak ng katrabaho

MANILA, Philippines — Namatay habang ginagamot sa ospital ang isang lalaki matapos na ataduhin ng saksak ng tatlong kasama sa trabaho kahapon ng mada­ling araw sa Que­zon City.

Namatay habang ginagamot sa Quezon City General Hospital ang biktimang si Romeo Barbosa Bersamin, 52, ng Barangay San. Pedro, Bagabag, North Nueva Vizcaya at nagtatrabaho bilang pintor ng J3MS Construction.

Arestado naman ang isa sa mga suspek na si Kalevershan Arlan Castillo, 43, electrician, residente ng Alicia Street, Sitio Militar, Brgy. Baesa, Quezon City habang pinaghahanap sina Ernesto Mataverde, 26, pintor at Anthony Dema­tera, 28.

Sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nangyari ang insidente, alas-12:00 ng madaling araw kahapon sa loob ng J3MS Construction sa No. 27 Lanutan St., Barangay Veterans Village, Project-7, Quezon City.

Sa salaysay ng saksing si “Mer”, dumating ang suspek na si Mataverde na lango sa alak at pinagbantaan siya kasunod ng pahayag na “Papatayin ko lang si Romeo”.

Agad na tinungo ni Mataverde ang barracks ni Bersamin habang nasa labas naghihintay sina Castillo at Dematera.

Nang makita ni Mataverde na tulog ang biktima, dito na niya inundayan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis na tumakas sina Mataverde, Castillo at Dematera, subalit sa follow up operation ng pulisya nadakip si Castillo.

Show comments