MANILA, Philippines — Iniurong ng Land Transportation Office (LTO) ang deadline sa pagbabawal sa paggamit ng improvised at temporary plates para sa mga may-ari ng sasakyan sa Disyembre 31 ngayong taon.
Ginawa ang anunsiyo kahapon ni LTO chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II sa gitna ng mga kahilingan at alalahanin sa pagkakaroon ng mga lisensyadong plaka.
Sinabi niya na sa Setyembre 1 ngayong taon ang simula ng pagbabawal.
Idinagdag niya na ang pagbabawal ay nakasaad sa isang memorandum circular na inilabas ng LTO para sa mga may-ari ng sasakyang de-motor na maglagay ng kanilang mga plaka at ang money-making modus kaugnay ng paggamit ng improvised at temporary plates.
Gayunman, iginiit ni Mendoza na hindi dapat maging dahilan ang pagpapalawig ng deadline para sa mga may-ari ng sasakyang de-motor na mayroon nang available na mga plaka para mailagay ito sa kanilang mga sasakyan.
Binigyang diin din ni Mendoza na wala nang atraso sa mga plaka sa mga four-wheel vehicles.
Aniya, ang natitira na lamang ay ang backlog para sa mga plaka ng motorsiklo na matutugunan naman na sa Hunyo sa susunod na taon.