MANILA, Philippines — Dinakip ng mga otoridad ang isang welder nang makuha sa pag-iingat nito ang dalawang baril at iba’t ibang uri ng bala sa Parañaque City, kahapon ng umaga.
Nakapiit sa Parañaque City Police Station custodial facility ang suspek na si alyas “Albert”, 38-anyos na isasailalim sa inquest proceedings sa paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition).
Sa ulat na isinumite sa Southern Police District (SPD), isinilbi ng Parañaque Police ang search warrant na inisyu ng Judge Jaime Guray ng Parañaque RTC laban sa suspek sa Zone 2, Sitio Malugay, Brgy. San Martin De Porres, Parañaque alas-5:40 ng umaga ng Agosto 28.
Matagumpay na narekober ang pakay na kalibre 38 at kalibre 22 na may kargang mga bala, bukod pa sa tatlong bala na di alam ang kalibre.
Inaalam na rin kung nasangkot sa anumang krimen ang nakumpiskang mga baril na nai-turn over na sa SPD forensic Unit para sa ballistics examination.