MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Department of Health (DOH) na dalawa pang kaso ng mpox ((dating monkeypox) ang natukoy sa bansa ngayong Agosto sanhi upang umabot na sa lima ang bilang ng mga aktibong kaso ng naturang sakit sa bansa.
Sa abiso ng DOH, ang dalawang bagong kaso ng mpox na parehong mas mild na MPXV Clade II ay naitala sa National Capital Region (NCR) at sa Calabarzon.
“The total case count is now 14 since July 2022. Nine cases have long recovered since 2023. Five are active cases waiting for symptoms to resolve,” dagdag pa ng DOH.
Ang mpox case 13 ay isang 26-anyos na babae mula sa NCR na nakitaan ng sintomas ng sakit simula noong Agosto 20, 2024, gaya ng rashes sa mukha at likod na may kasamang lagnat.
Samantala, ang mpox case 14 ay isang 12-anyos na lalaki mula sa Calabarzon na unang nilagnat noong Agosto 10 na kalaunan ay nagkaroon din siya ng rashes sa mukha, hita, katawan at kumalat sa ibang bahagi ng katawan, ubo at namaga ang lymph nodes sa groin area. Anang DOH, naimpormahan na nila hinggil sa insidente ang mga kinauukulang local government units (LGUs) hinggil sa mga natuklasang kaso ng mpox sa kanilang lugar.