MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang magsasaka makaraang tamaan ng kidlat habang nasa ilalim ng puno ng niyog sa Barangay Mainit Norte, Perez, Quezon, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jose Manago y Anglo, 59, may-asawa at residente sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat, alas-3:00 ng hapon ay pansamantalang sumilong sa ilalim ng isang puno ng niyog ang biktima dahil sa malakas na buhos ng ulan.
Maya-maya ay kumidlat at tumama sa kinaroroonan ng biktima na naging sanhi upang ito ay agad masawi.