MANILA, Philippines — Naglabas ng warrant of arrest si NCR RTC Branch 3 Acting Judge Acerey Pacheco laban kay Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo dahil sa double murder case kaugnay nang pamamaslang noong Disyembre 2018 kay dating Ako Bicol Cong. Rodel Batocabe at sa bodyguard na si P/Master Sgt. Orlando Diaz.
Ayon kay PRO5 Regional Director Brig. Gen.Andre Perez Dizon, noong Huwebes ay natanggap nila ang warrant of arrest na inilabas noong Agosto 21, 2024 ni Judge Pacheco, kaya agad pinuntahan ng mga tauhan ng Police Regional Office 5, Daraga Municipal Police Station at Criminal Investigation and Detection Group sa kanyang opisina pati ang bahay sa Brgy. Tagas, pero wala umano ang alkalde at naging matipid sa pagsagot ang mga nakausap na mga kaanak at tauhan nito.
Nanawagan si Dizon kay Mayor Baldo na sumuko at harapin ang kanyang kaso.
Ayon pa kay Dizon na dati nang naaresto ang alkalde sa kasong illegal possesion of firearms and explosives noong 2019 pero nakapagpiyansa.
Kasalukuyang nakakulong ang mga itinurong gunmen na sina Henry Guanzon Yuson; Danilo Nuñesca Muella; Christopher Cabrera Naval; Emmanuel Añes Rosillo; Rolando Nonsol Arimado; at Jaywin Interino Babor.