Anak, 13 taong ginawang sex slave ng ama, nabuntis

MANILA, Philippines — Isang Lalamove rider ang dinakip matapos ang ginawang 13-taong na gawing sex slave ang sariling anak at mabuntis pa ito sa Tondo, Manila, nabatid kahapon.

Ang suspek na si alyas ‘Domeng, ay inaresto kamakalawa ng gabi ng mga otoridad, batay sa rek­lamo ng kanyang 18-anyos na anak na dalaga, na sinamahan ng kanyang inang si Lyn.

Batay sa reklamo, limang taong gulang pa lamang siya nang sinimulan siyang molestiyahin ng suspek.

Naganap umano ang pinakahuling pangmomolestiya ng suspek sa biktima noong Agosto 18, 2024 lamang, ganap na alas-3:30 ng madaling araw sa loob ng kanilang bahay, kahit anim na buwan na palang buntis ang biktima.

Nagmakaawa pa umano ang biktima sa ama na huwag na siyang halayin ngunit sinabihan umano ang biktima ng suspek, “isa na lang anak, pagkatapos nito ay aalis na ako at hindi na magpapakita.”

Dito umano ay hindi na nakatiis pa ang biktima at isinumbong na sa kanyang ina ang ginawa sa kanya ng ama.

Sinasabing isinasagawa ng suspek ang panghahalay tuwing wala ang ina ng biktima.

Ang suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti Rape Law sa piskalya.

Show comments