MANILA, Philippines — Masisibak sa puwesto ang lahat ng responsable sa paglabas sa bansa ng tinanggal sa puwesto na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang post sa social media na ang pag-alis ni Guo ay nagbunyag ng katiwalian na nagwawasak sa sistema ng hustisya at sumisira sa tiwala ng publiko.
Tiniyak din ni Marcos na malalantad ang mga salarin at nagtaksil sa tiwala ng mga tao at tumulong sa paglipad ni Guo.
Isang full-scale investigation aniya ang isasagawa at lahat ng responsable ay mananagot sa batas.
Idinagdag ng Pangulo na walang puwang sa gobyerno ang sinumang inuuna ang personal na interes kaysa sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino ng may dangal, integridad at katarungan.
Una nang iniutos ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Martes, Agosto 20 ang kanselasyon ng Philippine passport ni Alice Guo matapos isiniwalat ni Hontiveros na nakalabas ng Pilipinas si Guo noong Hulyo 18 patungong Kuala Lumpur, Malaysia.