Driver, helper inaresto sa illegal quarrying

Ayon kay Quezon police director Col. Ledon Monte, naharang ang mga suspek na sina San Pedro Vito, 51, driver at Rodelito Ferrer, 48, helper, kapwa residente ng Brgy. Sto. Cristo nang pinagsanib na pwersa ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) at Sa­riaya police station habang binibyahe ang 18 cubic meter na mga bato.
STAR/File

MANILA, Philippines — Isang truck driver at kanyang helper ang ina­resto dahil sa walang kaukulang permit at kinumpiska ang mga kargang bato na umano ay pag-aari ng lokal na pamahalaan dito sa Brgy. Concepcion Pinagbakuran, Sariaya, Quezon.

Ayon kay Quezon police director Col. Ledon Monte, naharang ang mga suspek na sina San Pedro Vito, 51, driver at Rodelito Ferrer, 48, helper, kapwa residente ng Brgy. Sto. Cristo nang pinagsanib na pwersa ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) at Sa­riaya police station habang binibyahe ang 18 cubic meter na mga bato.

Nang kwestyunin ni Engr. Rommel Sarmiento, Quezon Provincial Office ang mga suspek ay sinabi na itatambak ang mga bato sa Brgy. Sampaloc 2 kung saan itinatayo ang bagong gusali ng Sariaya, subalit bigo silang makapagpakita ng mayors permit sa mga otoridad kaya’t nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Executive Order No. 20 series of 2024 (An Order Declaring a Moratorium on Quarry Operations in the Municipality of Sariaya) na iinisyu ni Quezon Governor Angelina Tan noong April 29.

Ang kautusan ni Gov. Tan na magkaroon ng moratorium sa lahat ng quarry operations sa Sariaya ay para magbigay daan sa komprehensibong pag-aaral na gagawin ng provincial government of Quezon sa pakikipagkonsultasyon na rin sa Department of Environment and Natural Resources. Sa ilalim ng kautusan, lahat ng quarry permit na inisyu ng provincial government ng Quezon sa Sariaya ay pansamantalang suspendido kaya walang inisyu na permit para dito. Ang sinumang lumabag sa kautusan ay maaaring permanenteng pagbawi sa quarry permit.

Sinabi naman ni Sar­miento na ang kautusan ng gobernador ay bilang tugon na rin sa naunang apela ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta na nag­lunsad pa ng signature campaign laban sa quarry operations sa kanyang bayan.

Show comments