P1 billion law suit isasampa vs may-ari ng MT Terra Nova
Sa oil spill na umabot sa Cavite
MANILA, Philippines —Ikinakasa na ang P1-bilyong law suit laban sa may-ari ng lumubog na oil tanker MT Terra Nova sa Bataan na nagbunsod ng malawakang oil spill kabilang ang karagatang sakop ng Cavite.
“Kakasuhan natin ang mga may-ari ng barko para lahat ng apektado ng oil spill ay magkaroon ng proper compensation,” mariing pahayag kahapon ni Cavite Governor Jonvic Remulla sa harapan ng mahigit 1,612 na indibiduwal sa bayan ng Noveleta na nakatanggap ng paunang relief goods mula sa opisina ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa mga naapektuhan ng oil spill.
Giit ni Remulla, may “criminal liability” ang mga may-ari ng barko kaya nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine Coast Guard upang maihanda ang kasong isasampa nila dahil sa oil spill mula sa lumubog na oil tanker Terra Nova sa Limay, Bataan na umabot na sa karagatang sakop ng Cavite.
Sa kabuuan, aabot sa 352,179 ang apektadong populasyon sa lahat ng coastal barangays sa lalawigan ng Cavite dahil sa oil spill, at nasa 25,145 mangingisda ang apektado rito.
Ayon sa DA-BFAR, naglunsad sila ng inisyal na relief operations upang suportahan at tulungan ang mga naapektuhang mangingisda sa lalawigan ng Cavite partikular na ang mga naninirahan sa mga tabing dagat na mga munisipalidad na matinding naapektuhan sa pagtagas ng langis mula sa naturang oil tanker.
“In response to the environmental disaster, DA-BFAR has distributed food packs to 1,612 beneficiaries, covering 100% of all registered fisherfolk in Noveleta as a part of the first wave of assistance,” ayon sa DA-BFAR.
- Latest