MANILA, Philippines — Binatikos kahapon ni Vice President Sara Duterte si Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Francisco Marbil kasunod nang pagtanggal sa 75 pulis na nakatalaga sa kanyang security detail, at tinawag ang aksyong “political harassment.”
Una nang kinumpirma ni Duterte na noong Hulyo 22 ay binawi ng PNP ang 75 miyembro ng Police Security and Protection Group (PSPG) na nakatalaga upang tumiyak sa kanyang seguridad.
Sa kanyang liham, binigyang-diin ni Duterte na ginawa ni Marbil ang pagbawi sa kanyang security detail matapos siyang magbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at kasunod nang paglabas ng isang video, kung saan makikita ang isang lalaki, na kahawig ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na gumagamit ng ilegal na droga.
Ibinunyag pa ng bise presidente na kasama rin sa relief order ang mga tauhan ng PNP na kanyang pinagkakatiwalaan dahil sila ay mga dating security ng kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte noong 2016, at maging ang mga dati na niyang security detail noon pang 2007.
Ibinunyag din ni Duterte na hindi nag-request ang PNP para i-pull out ang kanyang security detail upang dagdagan ang puwersa ng pulisya sa National Capital Region (NCR) at sa halip, sinabihan lamang aniya ng PSPG ang Office of the Vice President (OVP) na kukunin na nila ang mga personnel.
“Kung talagang wala kang nakikitang banta laban sakin, bakit nagtira ka pa ng 45 na tauhan ng PNP na ikaw ang pumili? Tandaan mo, pagdating sa seguridad ng aking pamilya, ako ang magsasabi kung sino ang karapat-dapat, hindi ikaw. Batas ka lang, hindi ka Diyos.”