MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isa umanong finance officer ng New People’s Army (NPA) habang isa ang arestado sa naganap engkuwentro sa kahabaan ng provincial road ng Brgy. Batang, Pamplona, Camarines Sur, kamakalawa ng tanghali.
Ang nasawing komunista na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilala sa alyas na “Ka Syrin”, finance officer ng Kilusang Larangan Guerilla 2, Sub-Regional Committe 5 ng NPA Bicol Regional Party Committe, residente ng Brgy. Tampadong ng naturang bayan. Habang ang naarestong kasama nito ay kinilalang si alyas “Ka Leo”, 23, ng Zone-2, Brgy. Marangi, San Fernando.
Ayon PRO5 regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon pasado alas-12:00 ng tanghali ay nakakuha ng intelligence report ang mga pulis hinggil sa ginagawang extortion activity ng mga NPA sa pamumuno umano ng isang “Ka Gabriel”.
Agad bumuo ng team mula sa Provincial Intelligence Unit ng Camarines Sur PNP Provincial Office, 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company, 501st Regional Mobile Force Battallion 5, 95th Military Intelligence Company ng 9th Infantry Battalion ng Philippine Army, at 9th Special Action Battalion.
Nang magtagpo ay nagkaroon ng palitan ng putok na umabot ng ilang minuto hanggang tumimbuwang si Ka Syrin dahilan para magsitakas ang mga kasama. Nahuli sa pursuit operation si Ka Leo at nasamsam ang isang Kalibre 45 at Kalibre 38 baril, isang granada, mga magazines at mga bala.