Magdyowa na nakamotor tepok sa salpok ng trak

MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang isang rider at nobya nito nang sila ay salpukin ng trailer truck nitong Linggo sa Malabon City.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina John Paul, 29 at nobyang si alyas Diane, 18, habang sugatan ang 15-anyos na kapatid ni Diane.

Nasa kustodiya ng Malabon City Police ang driver ng truck na si alyas Telesforo, 45, residenteng Dasmariñas City, Cavite.

Sa imbestigasyon, bago nangyari ang aksidente, alas-2:00 ng madaling araw sa kanto ng Dagat-dagatan at Lapu-Lapu Avenue, Malabon City ay mabilis umano ang patakbo ni John Paul na kung saan angkas si Diane at ang 15-anyos na kapatid nito.

Posibleng inakala umano ng mga biktima na hinahabol sila ng mobile car ng Malabon police dahil mga walang suot na helmet.

Dahil dito dire-diretso sa intersection ang mga biktima bagama’t naka red light kaya nasalpok ng trailer truck.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at physical injury ang driver ng trailer truck.

Show comments