Lalaki naningil ng utang binayaran ng saksak, utas

Kinilala ang nasawing biktima na si Jessie Boy Agonia, 34, ng Kagiti­ngan St., kanto ng Esmeraldo St., Tondo dahil sa tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang nakatakas naman ang suspek na si Hanson Rei Bautista, 21, kapitbahay ng biktima.
STAR / File

MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang lalaki nang maubusan ng dugo sanhi ng mga pananak­sak sa kanya ng isang lalaki na sinisi­ngil niya ng utang nito sa Tondo, Maynila, nabatid kahapon.

Kinilala ang nasawing biktima na si Jessie Boy Agonia, 34, ng Kagiti­ngan St., kanto ng Esmeraldo St., Tondo dahil sa tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang nakatakas naman ang suspek na si Hanson Rei Bautista, 21, kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, alas-6:00 ng gabi ng Biyernes nang maganap ang krimen sa isang eskinita sa Dona Aurora St., kanto ng Kagitingan St., sa Tondo.

Makikita sa kuha ng CCTV na bago ang pananaksak ay kumakaripas ng takbo ang biktima habang hinahabol ng suspek na armado ng patalim.

Maya-maya ay mina­las na madapa ang biktima at dito na siya inabutan at kaagad na pinagsasaksak ng suspek bago mabilis na tumakas.

Sinubukan pa umano ng biktima na lumakad palayo sa lugar, ngunit muli itong bumagsak dahil sa tinamong malalalim na saksak.

Ayon sa barangay tanod na si Armel Dangca, sa nakalap nilang impormasyon na bago ang krimen ay sini­singil ng biktima ang suspek sa utang nito.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang singilan matapos na bantaan ng biktima ang suspek na kapag hindi nito nabayaran ang kanyang utang ay papaluin siya nito sa ulo.

Nadiskubre rin naman ng mga otoridad na ang kutsilyong nakuha at ginamit sa krimen, ay pagmamay-ari umano ng biktima.

Tinutugis na ng mga otoridad ang suspek na mahaharap sa kasong pagpatay sa piskalya.

Show comments