Mag-asawang Australyano,1 pa natagpuang patay sa hotel

MANILA, Philippines — Tatlong katao kabilang ang mag-asawang Australyano na nagbabakasyon sa bansa at kasama nilang babae ang natagpuang patay sa loob ng isang inuupahang silid sa Lake Hotel sa Brgy.Maharlika West, Tagaytay City, Cavite, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawing biktima na sina David James Fisk, 57; Australian Lucita Barquin Cortez, 55, kapwa Austra­lian citizen at ang Pinay na si Mary Jane Cortez, 30.

Sa inisyal na ulat, na nadiskubre ang bangkay ng mga biktima, alas-12:30 ng tanghali ng staff ng hotel na si Allan Manza nang magtungo ito sa Room 103 ng mga biktima, upang sabihan na malapit na ang kanilang check-out.

Nang katukin ay hindi ito nagbubukas ng pinto kaya’t gumamit ng duplicate key at nang mabuksan ay tumambad ang mga bangkay ng biktima na nakasubsob at pawang mga wala ng buhay.

Ang kanilang mga kamay, paa at bibig ay nilagyan ng packaging tapes kaya’t agad na ipinaalam ng hotel ma­nagement sa pulisya ang krimen.

Nagsagawa ang Scene of the Crime Operation team autopsy examination sa mga bangkay upang madetermina ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima.

Nirerebyu na ng pulisya video footage ng close circuit television camera na nakalagay para makita ang posibleng mga suspek.

Show comments