Abalos kay Quiboloy: Sumuko ka na lang!
Kung mahal mo ang followers mo…
MANILA, Philippines — “Sumuko at harapin na lamang ang kanyang mga kaso sa korte”!.
Ito ang panawagan ni Interior Secretary Benhur Abalos kay Pastor Apollo Quiboloy at nararapat lamang na tapusin na ito ng huli kung naaawa ang kontrobersyal na lider ng Kingdom of Jesus Christ sa kanyang mga tagasuporta.
Matatandaan na inisyuhan ng arrest warrant si Quiboloy na nahaharap sa kasong sexual abuse of minors at qualified trafficking.
“Ako ay nananawagan kay Pastor: Let’s end this. Kung ikaw ay naaawa sa mga follower mo, alang-alang sa sarili mo, sumurrender ka na,” aniya.
Giit ng Kalihim, ilabas na lang ni Quiboloy ang kanyang depensa sa korte at sumuko na lang sa kapulisan bago pa mauwi sa gulo ang sitwasyon.
“Kung mahal niya ang followers niya, let’s end this. Ito ay order na ng korte. May warrant ka. Sumurrender ka na. Ikaw ay dapat managot. Ilabas mo sa korte ang depensa mo,” giit ng Kalihim.
Magugunita na inanunsyo ni Abalos ang pagpapalabas ng P10 milyong pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa pinagtataguan ni Quiboloy na nahaharap sa kasong sexual abuse of minors at qualified trafficking.
Kasabay nito, nag-alok din si Abalos ng tig P1milyong pabuya para sa ikadarakip ng limang kapwa-akusado nito.
- Latest