MANILA, Philippines — Agad na magsasampa ng quo warranto case ang Office of Solicitor General (OSG) laban sa suspendidong Bamban Mayor Alice Guo matapos kumpirmahin ng National Bureau of Investigation (NBI) na mayroon siyang fingerprints sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping.
“The NBI’s finding is the breakthrough that the OSG has been waiting for. It clears up many questions about the mayor’s true identity, including her citizenship. It will surely expedited our legal action,” ani Solicitor General Menardo Guevarra.
Nitong Huwebes, kinumpirma ng NBI na magkapareho ang fingerprints ni Mayor Guo at ng babaeng Chinese na si Guo Hua Ping.
“Kung siya ay nagmisrepresenta ng kanyang sarili sa ilalim ng panunumpa o gumawa ng mga maling pahayag sa kanyang certificate of candidacy at mga kaugnay na dokumento, siya ay maaaring managot sa kriminal para sa perjury o falsification, bukod pa sa pagpapatalsik sa pampublikong tungkulin sa pamamagitan ng tamang paglilitis,” sabi ni Guevarra.
Samantala, sinabi naman ni Senator Risa Hontiveros na ikukulong muna dito sa Pilipinas kapag nahatulan ng korte si Guo o Guo Hua Ping bago ipa-deport.
Ginawa ni Hontiveros ang pagtiyak matapos kumpirmahin kamakalawa ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Mayor Guo at ang Chinese national na si Guo Hua Ping ay iisa lamang ang finger prints.