Bebot, timbog sa higit P1 milyong shabu

MANILA, Philippines — Arestado sa isang buy-bust operation sa Malvar, Batangas, ang isang 45-anyos na babae na itinuturong supplier ng ilegal na droga sa Calabarzon, nitong Huwebes ng gabi.

Nasa 175 gramo ng shabu na may tinatayang street value na P1,190,000 ang nakum­piska sa naarestong drug suspect na kinilalang si alyas Bunny at nasamsam ang mga droga sa loob ng brown na papel na naglalaman ng apat na piraso ng plastic sachet.

Sinabi ni Col. Jacinto Malinao, Batangas police director, na si Bunny ay itinuturing na high value individual sa rehiyon ng Calabarzon partikular sa lalawigan ng Batangas.

“Siya ay inaresto ng mga anti-narcotic operatives, noong nakaraang taon, ngunit nakalaya siya sa piyansa. Ibinalik niya ang kanyang mga aktibidad sa pangangalakal ng droga at ngayon ay isang supplier ng droga sa mga kalapit na bayan at lungsod,” sabi ni Malinao.

Bago ang pagkakada­kip kay Bunny, nagsagawa ng isang linggong surveillance ang mga operatiba sa pinaghihinalaang hideout nito ng suspek upang bantayan ang paggalaw hanggang sa makapag-negosasyon sila sa suspek.

Show comments