‘Lab on Wheels’ ng Las Piñas aarangkada na sa mga barangay

MANILA, Philippines — Mas inilapit na ng pamahalaang lokal ng Las Piñas ang kanilang serbisyong medikal sa mga residente matapos ilunsad ang bagong “Las Piñas Lab on Wheels”, isang mobile laboratory na mag-iikot na sa iba’t ibang barangay ng siyudad.

Sa pangangasiwa ng City Health Office (CHO), aarangkada na ang mobile laboratory ng lokal na pamahalaan upang mas ilapit at magbigay ng komprehensibong pangangalaga sa kalusugan ng mga Las Piñeros.

Kabilang sa mga libreng serbisyong alok ng Las Piñas Lab on Wheels ay ang chest xray, ECG, fasting blood sugar at cholesterol.

Binigyang-prayoridad nina Mayor Imelda T. Aguilar at Vice Mayor April Aguilar ang naturang proyekto upang siguruhing maihahatid ang libre at dekalidad na mga serbisyo sa mga residente.

“Inilalapit namin ang magagandang serbisyong ito para sa mga Las Piñeros upang tulungan kayo na maibsan ang mga pasaning pampinansiyal sa pagpapasuri sa laboratoryo sa mga pribadong klinika at ospital,” ayon kay Mayor Aguilar.

Sinabi naman ni VM April Aguilar na bahagi ito ng kanilang programang “Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo” para sa mamamayan ng Las Piñas upang tugunan ang kinakailangang alagang pangkalusugan.

Binigyang-diin ng bise alkalde ang mahalagang papel ng kalusugan sa pagkakamit ng lalong kaunlaran sa Las Piñas.  

Show comments