MANILA, Philippines — Kinuyog at sinuntok ng mga miyembro ng transport group na Manibela ang reporter ng DZRH na si Val Gonzales habang nasa coverage ng pagpoprotesta ng mga grupo ng transport group sa tapat ng LTFRB main office sa East Avenue Quezon City kahapon ng umaga.
Sinasabing habang nasa kanilang protesta ang Manibela sa naturang lugar ay nagreport ng sitwasyon dito si Gonzales.
“Kinuyog nila ako at may sumuntok sa akin habang ako ay nagrereport sa protesta nila,” sabi ni Gonzales.
Ipinalalagay ni Gonzales na nairita ang Manibela sa kanya sa naireport na hindi nag- consolidate ang ilan sa hanay ng Manibela kaya’t ang mga ito ay colorum dahilan para siya ay saktan.
Una nang nagpahayag ng pagkondena sa naturang insidente ang iba’t ibang grupo ng mamamahayag sa Metro Manila partikular na ang QC Journalist Group.
Umaasa ang QCJI na magiging patas ang gagawing imbestigasyon ng mga otoridad hinggil dito.
Binigyang diin ng QCJI na ginagampanan lamang ni Gonzales ang kanyang trabaho para sa isang malayang pamamahayag.