Base sa DOF report…
MANILA, Philippines — Sa inilabas na bagong ulat ng Department of Finance Bureau of Local Government Finance (DOF-BLGF) ay nanguna ang Quezon City pagdating sa tinatawag na “Annual Revenue Income (ARI) Growth” o taunang paglago ng kita ng lokal na pamahalaan noong 2023.
Sa report ng DOF-BLGF, ang QC ay may ARI na P27.41-B noong nakaraang taon, na sinundan ng Makati (P19.36-B), Taguig (P13.54-B) Pasig (P13.13-B), at Manila (P12.43-B).
Nakakuha ng nine-figure o bilyunan na ARI ay ang Parañaque (P7.9-B) na pang-6, Pasay (P7.35-B) na pang-7, Mandaluyong (P5.76-B) na pang-8, Muntinlupa (P4.63-B) na pang-9, at Caloocan (P4.09-B) na pang-10.
Sa 17 LGUs sa Metro Manila, pang-14 sa koleksiyon ng kita ang Marikina (P1.58-B) at bahagya lang nitong nalamangan ang mga lungsod ng Malabon (P1.23-B) na pang-15, Navotas (P1.0-B) na pang-16, at Pateros (P0.2-B) na pang-17 at panghuli.
Ang Marikina City ay ang siyang may pinakamabagal na revenue growth sa 7% at pagdating naman sa “ARI to Debt Ratio” o ang kita ng lokal na pamahalaan kumpara sa laki ng pagkakautang nito, nanguna dito ang Marikina sa 2.28 na malayong sinundan ng Manila sa 1.07.
Ibig sabihin ay maliit na nga kitang nakolekta ng Marikina ay mayroon pa itong malaking pagkakautang.
Ang iba pang siyudad na may above-average na “ARI to Debt Ratios” ay ang Navotas (.44), Valenzuela (.43), Malabon (.40), Caloocan (.36), at Mandaluyong (.29). Wala namang pagkakautang ang Las Piñas, Makati, Parañaque, Pasig, Pateros, at Quezon City.
Kapag mataas ang ARI to Debt Ratio ng isang LGU tulad ng Marikina, mas mahihirapan itong makapaglunsad ng mga bagong programa dahil ang kita nito ay nagiging pambayad-utang lang.