MANILA, Philippines — Nasa 49 dayuhan na sex offenders ang ipinatapon pabalik sa kani-kanilang bansa at ban na sa Pilipinas.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang naturang bilang ay naitala sa nakalipas na apat na buwan ng taon, o mula Enero hanggang Abril ngayong 2024, mas mababa sa 64 na naitala noong 2023.
Nangunguna sa bilang ng mga pedopilya ay ang mga Amerikano, 35; sumunod ang United Kingdom at pangatlo ang mga Aleman o Germans.
Nitong Enero 2024, inilunsad ng Immigration ang Project #Shieldkids Campaign, upang maprotektahan mga kabataang Filipino laban sa mga sex predators na magtatangkang pumasok sa Pilipinas.
Naniniwala si Tansingco na naging deterrent ang naturang campaign sa mga foreign pedophiles na gustong magtungo sa bansa.
Nalaman din na ang mga dayuhang sex offenders at mga pedopilya ay may chat group and forum kung saan kanilang pinag-uusapan ang mga bansang pupuntahan kung saan mambibiktima sila ng mga kabataan.