MANILA, Philippines — Opisyal nang bumaba kahapon sa pwesto bilang Senate President si Senador Migz Zubiri.
Sa kaniyang privilege speech sa Senate plenary hall, isa-isang pinasalamatan ni Zubiri ang kaniyang mga naging kapwa senador.
Sa isang panayam bago magsimula ang sesyon, inamin ni Zubiri na “heartbroken” siya lalo pa’t hindi naman siya kalaban ng mga nasa kapangyarihan.
“Siyempre heartbroken. Alam mo naman hindi siguro tayo kalaban ng the powers that lead,” ani Zubiri.
Idinagdag nito na dahil mayroon siyang hindi nasunod na “instructions” kaya siya “nadali.”
“Pero dahil not following instructions kaya nadale tayo,” ani Zubiri.
Hindi naman binanggit ni Zubiri kung ano ang “instructions” na hindi niya nasunod kaya kinailangan niyang mag-resign bilang Senate President.
May ulat na ukol ito sa hindi niya napigilang imbestigasyon ng komite ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa tungkol sa nag-leak na lumang dokomento sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan nakaladkad ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at actress na si Maricel Soriano.
Nanumpa na si Senador Chiz Escudero bilang bagong pangulo ng Senado matapos magbitiw sa pwesto ni Zubiri.
Kasama ni Escudero sa kaniyang panunumpa ang kaniyang maybahay na si Heart Evangelista.