12 babae na biktima ng human trafficking nasagip

MANILA, Philippines — Labindalawang kababaihan na pinaniniwalaang  mga biktima ng human trafficking ang nasagip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD), kamakalawa ng gabi.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang  mga suspek na sina Richelle Gumaru, 30, residente ng Opel St. Brgy. West Fairview, QC, may-ari at receptionist ng Mira Spa na matatagpuan sa Reylila Building 47, panulukan ng  Mercury St. at Commonwealth Ave, Novaliches, Quezon City at June Boy Segovia, 35, cashier, ng Emerald St. Norma Tatings Dormitory, Brgy. East Fairview, QC.

Ayon kay QCPD Director PBGen. Redrico Maranan, nakatanggap ng sulat ang QCPD District Special Operation Unit (QCPD-DSOU) mula sa QC Business Permits and Licensing Department hinggil sa umano’y illegal activities ng Mira Spa na nag-aalok ng “extra service” sa mga customer  bukod pa sa massage therapy.

Dakong alas-10:20 ng gabi nitong Lunes, ilang pulis ang nagpanggap na customer at inalok din ng “extra service” ng isang  babaeng therapist.

Dito na pinasok ng  QCPD-DSOU sa pangunguna ni PMaj. Wilfredo Tarran, Jr., QCPD DWCCS sa pamamahala ni PMaj. Reine Balmaceda at ng  Social Services Department ng QC LGU ang Mira Spa.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act.

Show comments