MANILA, Philippines — Tumagas ang ammonia mula sa isang planta ng yelo na nagdulot ng pagsasara ng kalye at pagpapasuot ng face mask sa mga residente at iba pang nasa malapit sa F.B. Harrison St., kanto ng Layug St., Barangay 3, Pasay City, kahapon.
Ayon kay Fire Inspector Amado Rivera, ng Bureau of Fire and Protection (BFP), alas-9:50 ng umaga nang magsimula ang ammonia leak mula sa pipeline sa loob ng Summit Ice na matatagpuan sa F.B. Harrison St.
Agad namang na-shut down ang gate valve kaya nakontrol na ang paglaganap pa ng nakalalasong amoy.
Rumesponde ang BFP at ilang fire volunteer trucks, habang ang mga tauhan ng barangay ay nag-iikot sa panawagang magsuot ng face mask upang hindi makalanghap.
Nabatid na apat na fire volunteer ang nahirapang huminga at isang empleyado ng Summit Ice ang natapilok.
Patuloy pang inaalam ng BFP ang sanhi ng pagsingaw ng nasabing chemical.