5 baril ni Quiboloy, isinuko na - PNP

Pastor Apollo Quiboloy.
Sunshine Media

MANILA, Philippines — Isinuko na kahapon ng umaga ng kampo ng wanted na si Kingdom of Jesus Christ founder at leader Pastor Apollo Quiboloy ang lima sa 19 na kanyang mga armas.

Ayon kay PNP chief PGen. Rommel Francisco Marbil, ang limang armas ay isinuko sa Regional Civil Security Unit ng Police Regional Office (PRO)-11 sa Davao City.

Sinabi ni Marbil na inaasahang isusuko na rin anumang oras o araw ang nasa 14 pang baril ni Quiboloy, matapos niyang aprubahan ang rekomendasyon ng Firearms and Explosives Office na ipawalang bisa ang license to own and possess firearms ng nasabing Pastor na nahaharap sa mga kasong child abuse, sexual assault, trafficking, exploitation and discrimination.

Apela ni Marbil kay Quiboloy, huwag nang magmatigas at sumuko na lamang sa awtoridad.

Bukod sa National Bureau of Investigation (NBI), nagsasagawa na rin ng manhunt operation ang PNP laban sa nagtatagong si Quiboloy kasunod ng warrant of arrests na inilabas ng korte laban sa kanya.

Show comments