5 Chinese warship, 2 pang barko naispatan sa Sibutu, Batanes

MANILA, Philippines — Limang Chinese warship at dalawa pang barko ang naispatan ng Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG) sa Sibutu Passage at Batanes habang isinasagawa ang PH-US Balikatan joint military exercises 2024.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, apat na Chinese Navy warship ang namataan ang presensiya sa karagatan ng Sibutu Passage.

Ang Sibutu Passage ay isang maliit na channel sa pagitan ng Sulu archipelago at Borneo.

Sinabi ni Padilla na na-monitor ang presensya ng apat na warship na maituturing namang isang uri ng “innocent passage” sa bahagi ng Sibutu.

Una rito, dalawa ring warship ng China ang namonitor ang presensya sa Palawan noong Mayo 3 ng umaga na nasa bisinidad ng 200 milyang Exclusive Economic Zone (EEZ ) ng bansa pero umalis rin ng nasabing araw bandang hapon.

Samantalang isa pang Chinese warship at dalawa pang barko ng China ang namonitor naman sa karagatan ng Itbayat, Batanes dakong 10:45 ng umaga noong Mayo 1 habang isinasagawa ang bilateral war games ng AFP at US troops.

Idinagdag pa sa report na dahil dito ay nagsagawa ng radio challenge ang PCG laban sa mga barko ng China sa naturang lugar.

Show comments