MANILA, Philippines — Apat katao kabilang ang isang barangay kagawad ang inaresto nang kunin nito ang isang parcel na naglalaman ng 40,206 tablet party drug o ecstasy na nagkakahalaga ng P68.3 milyon sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.
Naaresto ang suspek na sina Mark Bryan Gamba, kagawad, residente ng Barangay 74; Robert Simon, 32; Fabio Dalvanos, 36; at Sherill Gamba, 46, sa isinagawang interdiction operation sa Central Mail Exchange Center, pasado alas-3:20 ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon sa PDEA na ang parcel na tinanggap ng mga suspects ay mula sa Netherlands na idineklara na ang laman ay pagkain ng aso at pusa.
Nabatid na dumating ang parcel sa Central Mail Exchange Center (CMEC) Pasay City noon pang Marso 19, 2024 at nagkasuspetsa ang mga otoridad na may lamang illegal drugs ito kaya’t minarkahan ito upang maaresto ang kukuha na naganap nitong Lunes.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga suspek para sa imbestigasyon at maging ang kanilang mga cellphone ay kinumpiska.