Marcos, pinangunahan ang graduation ng mga dating rebelde sa Mindanao para maging miyembro ng PNP
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang graduation ceremony ng unang batch ng Moro combatants para maging ganap na miyembro ng Philippine National Police sa Camp Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte, kahapon ng umaga.
Ang Bangsamoro Police Basic Recruit Course batch 2023-01 Classes Alpha-Bravo “Bakas-Lipi” ay kinabibilangan ng 100 trainee mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), 92 ang mga lalaki at walo ang mga babae.
Ang mga bagong pulis ay sumailalim sa 23 linggong training bilang paghahanda sa kanilang bagong tungkulin sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Pansamantalang maitatalaga bilang patrolmen at patrolwomen alinsunod sa patakaran ng National Police Commission at mayroon silang 15 taon para makatapos sa kolehiyo batay sa pamantayang itinakda ng PNP para maging permanenteng miyembro ng pambansang pulisya.
Ang integration ng Moro combatants sa PNP ay bahagi ng probisyong nakapaloob sa Bangsamoro Organic Law na charter ng BARMM.
- Latest