14-anyos na babaeng estudyante tinodas sa bahay

Sa pahayag ng kapatid na alas-9:00 ng umaga ay nagsasagot ng kanyang module sa kuwarto ang biktima nang biglang pumasok  ang mga hindi pa nakikilalang mga suspek na nakasuot ng mask at binaril sa ulo.
File

Habang sumasagot ng modules…

MANILA, Philippines — Patay ang isang 14-anyos na babaeng estud­yante matapos siyang pasu­kin sa loob ng kanilang bahay at barilin habang sumasagot ng modules sa Sitio Riverside, Brgy. Cansojong,Talisay City, Cebu, kahapon ng umaga.

Sa pahayag ng kapatid na alas-9:00 ng umaga ay nagsasagot ng kanyang module sa kuwarto ang biktima nang biglang pumasok  ang mga hindi pa nakikilalang mga suspek na nakasuot ng mask at binaril sa ulo.

Idineklarang dead on arrival sa Cebu South Medical Center ang biktima. Wala naman umano siyang alam na kaaway  ng kanyang kapatid.

Inihayag naman ni Talisay City Police chief Police Lieutenant Colonel Epraem Paguyod, na titingnan nila ang lahat ng posibleng motibo sa nangyaring pamamaril sa biktima.

Isa sa mga anggulong susuriin ng mga otoridad ang umano’y pagkakasangkot ng mga magulang at kapatid ng biktima sa ilegal na droga.

Nito lang nakaraang linggo, isang 13-anyos na Grade 8 student na babae rin ang binaril naman sa ulo at namatay habang naglalakad papunta sa paaralan sa Agoncillo, Batangas. Patuloy pang hinahanap din ng mga otoridad ang salarin.

Show comments