MANILA, Philippines — Nakaalerto ngayon ang Army’s 6th Infantry Division (ID) sa ‘heightened alert’ kaugnay ng posibleng resbak ng mga teroristang grupo matapos na mapaslang sa engkuwentro ang isang mataas na lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) terrorist at 11 nitong mga tauhan sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur noong Lunes.
Ayon kay Lt. Col. Dennis Almoranto, ang pag-alerto sa mga tauhan ng Joint Task Force (JTF) Central ay base sa direktiba ni Army’s 6th ID Commander Major Gen. Alex Rillera dahilan sa inaasahang resbak ng BIFF-Karialan faction.
Magugunita na noong Lunes ay napatay sa bakbakan ang lider ng BIFF Karialan faction na si Mohiden Animbang, alyas Kagui Karialan na nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal kabilang na ang pambobomba, extortion, multiple murder, arson at iba pa.
Napaslang din ang 11 pa nitong miyembro, kabilang ang kaniyang kapatid na si Saga Animbang, Operations Chief ng BIFF Karialan terrorists sa engkuwentro sa Brgy. Kitango, Datu Saudi Ampatuan ng nasabing lalawigan.
Sinabi ni Almoranto na karaniwan ng rumeresbak ang mga terorista kapag nalalagasan ng lider at mga kasamahan kaya inalerto na nila ang kanilang mga tauhan.
Sinabi ni Almoranto na ang mga resbak scenario ay bahagi ng taktika ng BIFF at dito’y nakahanda ang tropa ng mga sundalo upang supilin ang mga kalaban.
Nagpapatuloy naman ang pagtugis ng mga sundalo sa nalalabi pang mga miyembro ng BIFF-Karialan faction.