1.7K wangwang, blinkers hinuli ng PNP-HPG
MANILA, Philippines — Umaabot sa 1,707 iligal na wangwang, blinkers at mga ipinagbabawal na car accessories ang nakumpiska ng Philippine National Police - Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa pagpapatupad ng Presidential Decree (PD) 96.
Batay sa datos ni PNP-HPG Director Brig. Gen. Alan Nazarro nakumpiska ang mga nasabing wangwang, sirena at blinkers sa kanilang operasyon mula Marso 25 hanggang Abril 22.
Tiniyak ni Nazarro na tuluy-tuloy ang kanilang kampanya laban sa illegal na paggamit ng mga blinkers, wangwang at iba pang signaling o flashing devices.
Sa 1,707 illegal devices, 957 ang led lamps; 300, blinkers; 179 fog lights, 134 modified mufflers, 78 horns, 48 strobe lights at 11 wangwang .
Lumilitaw na ang Region 4A (Calabarzon) ang nangunguna sa mga nakakumpiska ng mga unauthorized accessories na sinundan ng Region 11 (Davao) at Region 13 (Caraga).
Paliwanag ni HPG Special Operations Division Chief Col. Joel Casupanan, karamihan sa mga nahuli ay gumagamit ng LED light matapos na payagan ng Land Transportation Office.
Partikular na tinukoy ni Casupanan ang mga motorsiklo na naglagay ng mga ilaw na sumobra kaya humantong sa kumpiskasyon.
- Latest