Call center agent, utas sa bugbog ng 4 mag-anak

MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 26-anyos na call center agent nang  pagtulungang bugbugin ng apat na magkakamag-anak na kinabibilangan ng  dalawang babae dahil lamang sa nawawalang cellphone sa Quezon City,kamakalawa.

Kinilala ang nasawing biktima na si Renz Butlay Rompe, ng No. 22 Ipil Interior, Peria Road, Old Balara, Quezon City.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang isa sa mga suspek na si Mylene Adan Trinidad, 26, housewife; habang tinutugis pa ang mga nakatakas nitong kaanak na sina Carolyn Adan, alias Carolyn Montano, 29, cellphone promoter; Cesar Delimos, alias Jhayar Delimos, 30, at John Joseph Trinidad, 29, pawang residente ng No 130 Livelihood, Talanay Area 3, Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Sa report,naganap ang  krimen, alas-5:30 ng umaga   sa No. 3 Sitio Fatima, Himlayan Road, Brgy. Pasong Tamo na nakita ng mga saksi ang magkapatid na Eliza at Edison Baldoza na puwersahang pinasok ang bahay ng biktima at kinompronta ng suspek na si Carolyn si Rompe  tungkol sa nawawalang cellular phone.

Nang sagutin ng  biktima si Carolyn na wala siyang alam sa nawawalang cellphone ay dito na siya pinagtulungang bugbugin at paghahampasin ng mga suspek ng matigas na bagay hanggang sa nawalan ito ng malay at nasawi sa ospital.

Inihahanda na ang kasong murder laban kay Mylene habang tinutugis pa ang mga kasabwat niyang kaanak.

Show comments