MANILA, Philippines — Nagawang mailikas ang 140 pasyente ng Philippine General Hospital (PGH) sa Ermita, Maynila nang magkasunog nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay Fire Superintendent Leo Andiso, deputy district fire marshall ng Manila Fire Department, bahagi lamang ng pagamutan ang naapektuhan o ang dating X-ray room na ginagamit na ngayon bilang bodega ng mga gamot.
Nabatid na nire-renovate ang nasabing silid para gawing storage room.
Nagdulot din ng tensyon sa mga pasyente at hospital staff ang usok na nakapasok sa emergency room ng ospital,dahilan upang ilikas ang mga pasyente.
Nagsimula ang apoy alas-11:16 na umabot lamang sa 20 minuto bago idineklarang fire-out at naibalik din ang mga pasyente sa ER pagkatapos na mawala ang usok.Patuloy pang inaalam ang dahilan ng sunog.