Arrival stickers sa E-gates itinigil ng BI

Photo shows immigration electronic gates at the NAIA arrival area.
Facebook / JP Mortel Fajura

MANILA, Philippines — Inanunsyo kahapon ng Bureau of Immigration na simula bukas, Abril 1, hindi na bibigyan ng arrival sticker ang mga Pinoy galing sa ibang bansa kapag dumaan sila sa mga electronic gates (E-gates) na naka-install sa mga international port of entry ng bansa.

Sa public advisory, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na nagpasya ang ahensya na i-streamline ang pagpoproseso ng e-gates upang mapakinabangan ang kahusayan nito at lumipat sa label-free border clearance.

Inihayag ni Tansingco na bilang kapalit ng mga sticker, ang mga papasok na Pinoy na manlalakbay ay makakatanggap ng email confirmation ng kanilang pagdating sa pamamagitan ng address na ibinigay nila sa eTravel system.

Sinabi ni Tansingco na ang pagtanggal ng sticker-printing feature ng e-gates ay naaayon din sa mandato ng BI na maghatid ng “effective and efficient immigration service” sa bumibiyaheng publiko.

Gayunman, mariing nilinaw ng BI chief na sa kabila ng pagtanggal ng mga sticker ay maaari pa ring hilingin ng mga pasahero na lagyan ng arrival stamps ang kanilang mga pasaporte ng BI officers na nakatalaga sa mga pantalan kung nais nila.

Limang taon na ang nakalilipas nang ilunsad ang e-gates sa layunin na pabilisin ang proseso ng pag-clear ng para sa pagbabalik-bansa ng mga pasaherong Pilipino.

Sa kabuuan, 21 electronic gate ang kasalukuyang naka-install sa mga pangunahing internatio­nal airports at inaasahang madaragdagan pa sa loob ng taong ito.

Show comments