Kaso ng pertussis nasa 568 na; 40 pasyente, binawian ng buhay

Parents avail of the pentavalent vaccine for their children and attend a small seminar on pertussis at a health center in Barangay Pinyahan, Quezon City on Friday.
The STAR / Michael Varcas

MANILA, Philippines — Umaabot na sa 568 ang mga kaso ng pertussis sa bansa, kabilang dito ang 40 pasyente na sinawimpalad na bawian ng buhay.

Batay sa patuloy na monitoring ng Department of Health (DOH), nabatid na mula Marso 10 hanggang 16 ay nakapagtala pa sila ng 28 bagong kaso ng sakit.

Ang naturang kabuuang bilang ay 20 ulit na mas marami kumpara sa 23 kaso lamang na naitala sa kaparehong panahon noong 2023.

Nabatid na ang mga rehiyon na may pinakama­raming bilang ng local govern­ment units (LGUs) na nakitaan nang pagtaas ng kaso ay ang CALABARZON, Metro Manila, Western Visayas, MIMAROPA, at Central Visayas.

Ulat pa ng DOH, sa kabuuang kaso ng pertussis, nasa 6 out of 10, o 356 kaso (62.7%) ang pawang sanggol na wala pang anim na buwang gulang ang edad.

Nasa 3 out of 4 naman o 270 kaso (75.8%) ng mga naturang sanggol ang hindi bakunado o hindi batid ang vaccination history.

Ang pertussis, na kilala rin sa mga tawag na whooping cough, ubong dalahit at tusperina, ay maaaring lunasan sa pamamagitan ng antibiotic.

Show comments