Promosyon ng AFP official binutata ng CA matapos tutulan ng misis

Brigadier General Ranulfo Sevilla
Photo courtesy of Dipolog City Government FB page

MANILA, Philippines — Bigong makalusot sa Commission on Appointments (CA) ang promosyon ni Brigadier General Ranulfo Sevilla matapos tutulan ng kanyang asawang si Tessa Luz Reyes-Sevilla na hindi nagbibigay ng financial support sa kanilang mga anak.

Na-bypassed ang kumpirmasyon ni Sevilla kaya babalik ito sa kanyang orihinal na ranggo bilang Koronel.

Tinutulan ng asawa ni Sevilla na si Tessa ang promosyon ng opisyal dahil hindi ito nagbibigay ng tamang suporta sa kanilang mga anak.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, nais matiyak ni Sen. Risa Hontiveros na tutupad si Sevilla sa sinasabi nitong halaga na ibibigay sa mga anak.

Inaasahang muling isasalang ng CA ang pro­seso ng kumpirmasyon si Sevilla matapos ang break ng Kogreso.

Sinabi ni Zubiri na pumayag si Sevilla na ilaan ang P50,000 mula sa kanyang suweldo bilang financial provision sa kanyang mga anak. Siya ay orihinal na nag-commit ng P30,000.

Ayon kay Tessa ang kanyang mister ay nagbibigay lamang ng P2,000 kada buwan at minsan ay hindi pa regular.

Show comments