MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy na karahasan sa caribbean country ay inaasahang pauuwiin ang 63 Pinoy mula sa Haiti.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac na kasado ang repatriation matapos aprubahan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo ang rekomendasyon sa deklarasyon ng Alert level 3 o voluntary repatriation para sa mga Filipino sa Haiti na nasa 115 ang bilang.
Tinitingnan ng DMW ang mga opsyon kung paano isasagawa ang pagpapauwi sa 63 Pinoy dahil walang mga flight sa Haiti at naantala rin ang land travel sa kabisera ng Port-Au-Prince dahil sa kaguluhan.
Sa ngayon, sinabi ni Cacdac na wala pang iniuulat na Filipino na apektado o sugatan sa nagpapatuloy na security crisis.
Idinagdag pa ng opisyal na mahigpit na nakikipag-ugnayan ang kaukulang government agencies kina Ambassador Jose Manuel “Babe” Romualdez, Honorary Consul General Fitzgerald Oliver James Brandt, at Filipino community leader Bernadette Villagracia kaugnay sa posibleng repatriation ng mga Filipino sa Haiti.