Asul na smuggled Bugatti isinuko na rin ng may-ari
MANILA, Philippines — Kusang isinuko ng may-ari ng isang asul na Bugatti Chiron sports car sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Bureau of Customs (BOC).
Ang pagsurender sa sasakyan na nagkakahalaga ng P165 milyon ay isinagawa may dalawang linggo matapos na maglabas ng babala ang ahensiya laban sa isang Thu Trang Nguyen, na siyang registered owner ng naturang blue sports car na may plate number na NIM 5448.
“Today, we are happy to report that the blue Bugatti sports car we’ve been looking for was finally surrendered to the BOC. The fact that the mission took barely three weeks speaks of the hard work and commitment we put into this since we appealed to the public to help us find these motor vehicles,” anunsiyo ni Customs Commissioner Bien Rubio.
Ang sports car ay isinurender sa mga BOC agents, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa Muntinlupa City. Sinabi ni BOC-CIIS Director Verne Enciso na nakipag-ugnayan ang kanilang grupo sa mga barangay officials at security officers bago nagtungo sa lokasyon ng smuggled vehicle.
Matapos ito ay tinanggap ni Atty. Michael Mosquite, kinatawan ng may-ari ng sasakyan, ang isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) bago tuluyang isinakay ang luxury car sa isang low bed truck at dinala sa BOC-Port of Manila.
Una na ring isinuko ang isa pang smuggled na pulang Bugatti Chiron sports car (NIM 5450) na nagkakahalaga rin ng P165 milyon at nakarehistro sa isang Menguin Zhu sa nasabi ring barangay noong Pebrero 9, 2024.
Pinuri naman ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy ang koordinasyon ng mga key government agencies, at ng media, sa pagpapakalat ng impormasyon sa publiko na nagresulta sa pagkarekober sa mga behikulo.
- Latest