Tinangay na beybi sa Maynila naibalik na sa ina

MANILA, Philippines — Naibalik nang ligtas sa kanyang ina ang isang sanggol na tinangay umano sa Ermita, Maynila, kahapon.

Ayon sa isang ulat, tinangay ang pitong buwang gulang na sanggol ng isang babae nitong Biyernes ng hapon.

Sa paglalahad ng babae, sinabi niyang ipinahawak ng lolo ang sanggol sa kanya dahil pagod na raw ito mag-alaga.

Batay naman sa salaysay ng ina ng bata, iniwan niya ang kanyang anak sa lolo nito dahil kailangan niyang pumasok sa trabaho.

Nang kukunin na sana niya ang bata sa lolo nito ay doon na niya nalaman na nawawala na pala ang sanggol.

Dahil dito, dumulog na siya sa mga otoridad at humingi ng tulong para hanapin ang anak.

Nang suriin na ang CCTV, nakita nila na may dumampot sa bata kaya ipinost nila ito sa social media.

Oras lang ang binilang nang makatanggap sila ng mensahe sa pamilya mula sa isang alias Jenny Fernandez at nagsabi na nasa kanya umano ang sanggol at wala siyang planong nakawin ito.

Natakot lang daw siya at nagtago sa bahay ng kaibigan sa Norzagaray, Bulacan at sa tulong ng Manila Police District ay agad nagpunta sa Bulacan.

Habang nagba-backtracking ang pulisya, nagpadala muli ng mensahe si Jenny sa pamilya at sinabing isasauli na niya ang bata.

Nagtungo ang pamilya sa Baclaran para maki­pagkita kay Jenny kasama ang ilang tauhan ng Manila Police District. Doon nila nakuha ang sanggol hatinggabi kanina.

Boluntaryo namang sumama si Jenny sa mga pulis para magbigay ng salaysay.

Nagpasya naman ang pamilya ng sanggol na hindi na ito magsasampa ng reklamo sa suspek.

Show comments