MANILA, Philippines — Patay ang 9 na kasapi ng teroristang grupong Dawlah Islamiyah-Maute habang anim ang sugatan kabilang ang apat na sundalo matapos silang magkaengkuwentro sa Brgy. Tapurog, Piagapo, Lanao del Sur nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang mga napaslang sa mga alyas na Omar, Mikdad, Imam, Abdullah, Muhajeer, Hamza, Mauwiyah, Mohaimen at Saumay Saiden o mas kilala sa mga tawag na “Ustadz Omar” o “Abu Omar”, na isa sa apat na pangunahing suspek sa pagpapasabog sa gymnasium ng Mindanao State University (MSU) noong Disyembre 2023.
Nilalapatan naman ng lunas sa ospital ang mga sugatan na ‘di pa tinukoy ang pagkakakilanlan.
Sa naantalang ulat, nakasagupa ng 103rd Infantry Brigade, 1st Division Brigade ng Philippine Army ang nasa 15 terorista sa Brgy. Tapurog, Piagapo na pinangungunahan nina alias” Mahater” , alias “Engineer”, alias “Omar” at alias “Khatab”, na sinasabing responsable sa MSU bombing na ikinasawi ng apat katao ng nakaliaps na buwan.
Sinabi ni Brig. Gen. Yegor Rey Baroquillo Jr., commander ng 103rd IB, na naganap ang dalawang oras na sagupaan sa operasyong inilunsad ng 7th Company ng 3rd Scout Ranger Battalion makaraang maispatan ang kanilang presensya sa nasabing lugar. Narekober ng militar ang walong matataas na kalibre ng baril sa encounter site.
Inilagay na ang Lanao del Norte, Lanao del Sur at mga karatig-lugar sa heightened red alert kasunod ng nasabing engkuwentro.