P/Major na pangunahing suspek sa pagkawala ni Camilon, pinalaya

Ang inabandonang Honda CRV na pinagsakyan ng tatlong armadong lalaki sa beauty queen finalist na si Catherine Camilon na hanggang ngayon ay na-wawala.
Ed Amoroso

MANILA, Philippines — Pinalaya ng mga otoridad ang pulis na itinuturong primary suspect sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.

Sa press conference kahapon, sinabi ni Philippine National Police chief Police General Benjamin Acorda Jr. na pinakawalan si Police Major Allan de Castro dahil nasibak na ito sa serbisyo.

“Since he was dismissed from the service, he is now released from our custody. Kumbaga, wala na siya. But still the criminal case will be pursued by the PNP,” aniya.

Sa kabila ng pagpapalaya kay De Castro, sinabi ni Acorda na patuloy siyang babantayan ng PNP upang madali siyang mahuli sakaling maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya.

Noong October 26, 2023, inihayag ng Police Regional Police Office 4A na dinala si De Castro sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit nang pangalanan siya bilang isa sa persons of interest sa pagkawala ni Camilon.

Sinabi naman ni Police Regional office (PRO) 4A chief Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas noong Enero 16 ay  epektibo na ang pagkakatanggal kay De Castro sa tungkulin.

Base kay Lucas, sinibak si De Castro dahil sa “conduct unbecoming of a police officer,” batay sa umano’y “illicit and extramarital affairs” kay Camilon.

Naghain na ng kidnapping and serious illegal detention complaints laban kay De Castro, kanyang driver-bodyguard na si Jeffrey Magpantay, at dalawang John Does kaugnay ng pagkawala ni Camilon.

Show comments