MANILA, Philippines — Patay ang isang barangay tanod at dalawang lalaking bumaril dito matapos makipagpalitan ng putok sa mga rumespondeng pulis sa Sitio 2, Brgy. Bahay Pare, Meycauayan City, Bulacan, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Rodolfo Santiago, barangay tanod; suspek na si Jerome Almorasa y Ballares at kasama na hindi pa nakikilala.
Ayon kay P/Col.Relly Arnedo, Bulacan police Director, nangyari ang insidente, alas-8:10 ng gabi sa mismong hall ng Barangay Bahay Pare.
Ayon sa report, nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang residente ng barangay na may insidente ng pamamaril kaya’t agad silang rumesponde sa lugar.
Nang makarating sa lugar ang mga pulis ay namataan nila ang dalawang suspek na patuloy na namamaril sa direksyon ng barangay hall hanggang pati sila ay paputukan na rin.
Dahil dito, ginantihan ng mga pulis ang dalawang namaril at nang humupa ang mga putok ay bumulagta ang mga ito na may kapwa katabing caliber 45.
Agad na isinugod ng mga otoridad ang biktimang tanod na si Santiago para sa paunang lunas, subalit namatay din ito kalaunan.
Sinasabing isang tanod na nagngangalang Marvin James Rivera ang nasugatan ang dinala sa pinakamalapit na ospital.
Ayon kay Isagani Bargola Jr., tanod at testigo sa naganap na barilan, bigla na lamang umanong pinagbabaril ng dalawang suspek ang nasabing barangay hall sa hindi malamang dahilan.
Wala naman napaulat na nasugatan sa panig ng mga pulis na patuloy ang imbestigasyon at inaalam ang motibo ng pamamaril.
Narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang Cal .45 pistol at dalawang magazine.