Parak utas, suspek sugatan sa buy-bust operation

MANILA, Philippines — Nasawi ang isang pulis habang nasugatan ang isa sa dalawang suspek na kanyang nakabarilan sa inilatag na buy-bust operation sa compound ng Baao Catholic Cemetery sa Brgy. Buluang, Baao, Camarines Sur, kamakalawa ng hapon.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Bicol Medical Center sa Naga City ang biktima na kinilalang si Staff/Sgt. Richard Rodero, intelligence officer ng Tinambac Municipal Police Station.

Inoobserbahan sa pagamutan ang sugatang suspek na si Marvin Badilla habang tinutugis ang nakatakas nitong kasama na kinilalang si Allan Sumayao.

Sa ulat, pasado alas-3:00 ng hapon ay inilatag ng mga otoridad ang buy-bust operation laban kay Badilla at Sumayao na piniling makipagtransaksyon sa loob ng sementeryo sa bayan ng Baao.

Habang ginagawa ang transaksyon ay nakahalata ang mga suspek na pulis ang kanilang kaharap kaya’t binunot nito ang dalang baril at pinutukan si Staff/Sgt.Rodero.

Bagama’t sugatan si Rodero ay nakuha nitong makaganti ng putok at tinamaan si Badilla.Habang nagawa namang makatakas si Sumayao.

Show comments