MANILA, Philippines — Hindi umano dapat mag-panic ang publiko sa mycoplasma pneumoniae o ang “walking pneumonia” na hindi na bago sa Pilipinas at dati na umanong natutukoy sa bansa.
Sinabi ni Philippine College of Physicians president Dr. Rontgene Solante na nasa bansa na ang naturang “organism” na nagdudulot ng sakit at hindi na bago.
Nagkakataon lang umano na gumaganda na ngayon ang pagsubaybay ng health institutions at natutukoy na agad ang mga mikrobyong ito, lalo na ngayong panahon ng taglamig kung kailan talamak ang mga sakit sa respiratory.
Kaugnay nito, sinabi ng Department of Health (DOH) na pawang gumaling na ang apat na kaso ng “walking pneumonia” na natukoy nila mula sa mga kaso ng “influenza-like illness (ILI)” noong Nobyembre 25.
Kabilang sa sintomas ng “walking pneumonia” ay ang ubo na tumatagal ng pito hanggang 10 araw, runny nose at sore throat. Bihira sa mga pasyente ang magkaroon ng lagnat at hindi rin kailangan ng antibiotics.
Kaya umano ito tinatawag na “walking pneumonia” ay karaniwang hindi alam ng pasyente na may impeksyon na sila dahil sa nakakaya pa naman nilang bumangon at maglakad hindi tulad ng ibang sakit na hirap huminga o gumalaw.