Police Major umamin na may relasyon sa nawawalang beauty queen — CIDG

Miss Grand Philippines 2023 bet Catherine Camilon in this photo from her Instagram on June 20, 2023.
catherine_camilon/Instagram

MANILA, Philippines — Umamin ang pulis na tinukoy bilang isa sa mga primary suspect sa pagkawala ng beauty queen na si ­Catherine Camilon na mayroon silang “illicit relationship”.

Sa ulat, hinarap ni Police Major Allan de Castro si Philippine National Police (PNP) General Benjamin Acorda Jr. at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Romeo Caramat sa Camp Crame nitong Miyerkules, Nobyembre 15 at inamin na may relasyon ito sa nawawalang beauty queen.

Sa kabila nito, sa 30 minuto na pag-uusap sa loob ng white house sa Camp Crame, ay nanatiling tikom ang bibig ni De Castro kaugnay sa pagkawala ni Camilon noong Oktubre 12.

“Noong siya ay tanungin natin kung meron ba siyang involvement sa pagkawala ni Miss Camilon sinabi lang nya kay chief PNP, he invoked his right to remain silent,” ani Camarat.

Hindi naman pinilit nina Acorda at Caramat na magsalita si De Castro na kinasuhan ng kidnapping at serious illegal detention at tatlo iba pa kaugnay sa kaso ni Camilon.

Batay sa usapan ng CIDG Region IV-A sa pamilya ni Camilon, nadiskubreng dati nang nagsumbong ang biktima ng pananakit laban kay De Castro.

May pagkakataon din umano na nakausap nito ang misis ni De Castro kaugnay ng kanilang relasyon.

Nasa kabuuang 17 hibla ng buhok ang nadiskubre at 12 swabs ng blood samples ang nakuha mula sa sasakyan kung saan pinaniniwalaang isinakay si Camilon habang duguan.

Umaasa naman ang ina ni Camilon na si Rosario na buhay pa ang kanyang anak sa kabila ng mga hindi magagandang ulat tungkol dito.

Hindi rin daw niya alam ang tungkol sa umano’y relasyon ng kanyang anak kay  De Castro, na laging paalam na pupunta ito sa Batangas City para sa trabaho.

Kinasuhan na ng Philippine National Police ng kidnapping at severe illegal detention si De Castro, driver niyang si Jeffrey Arreola Magpantay at dalawa pang indibiduwal. (IS).  

Show comments