MANILA, Philippines — Nakaalerto na ang Cagayan Valley Disaster Risk Reduction and Management Council (CVDRRMC) kabilang ang lahat ng disaster risk reduction offices ng mga bayan at mga residente ng Cagayan sa posibleng pagtama ng mga debris mula sa pinakawalang rocket ng China na maaaring pumasok sa teritoryo ng Pilipinas.
Ang nasabing paglulunsad ng rocket ship na Long March 7a ng China ay inasahang maisasagawa sa pagitan ng Nobyembre 3-4 ngayong taon. Unang napaulat na aalis ang rocket ship mula Wen Chang Spacecraft Launch Site sa Wen Chang, Hainan, China.
Ayon sa CVDRRMC, ang mga bahagi ng rocket na pakakawalan ay inaasahang babagsak sa tinukoy na drop zone. Ang spot ay tinatayang nasa 47 nautical miles (NM) mula Burgos, Ilocos Norte at 37 NM ang layo mula sa Sta. Ana, Cagayan.
Bagama’t hindi nakikita ng ahensya na ang mga rocket debris ay babagsak sa kalupaan o sa inhabited area sa bansa, iginiit na mayroon pa rin itong idudulot na panganib at posibleng pinsala sa mga barko, eroplano, bangkang pangisda at iba pang sasakyang pandagat na malapit sa projected drop zone.
Inatasan na ng CVDRRMC ang iba’t ibang MDRRMOs na patuloy na mag-monitor sa kanilang area of responsibilities, at makipag-coordinate sa Philippine Coast Guard, Police at Navy.
Binigyan din ng direktiba ang mga lokal na DRRMOs na abisuhan ang mga maliliit na bangka partikular ang mga mangingisda na mag-ingat at huwag kukunin ang mga makiktang rocket debris materials sa karagatan para na rin sa kanilang kaligtasan.
Maging ang Department of Transportation at Civil Aviation Authority of the Philippines ay pinayuhan na magpatupad ng “no-fly” sa mga apektadong lugar.